Globalisasyon: summary paper

    Ang globalisasyon ay tumutukoy sa malaya at malawak na koneksyon sa mga gawaing pampulitika, pangkultura, panteknolohiya, pang-ekonomiya, at panlipunan ng mga tao at gobyerno sa buong mundo. Umusbong at patuloy na lumalaganap ang kilos na ito sa tulong ng mga pandaigdigang gawain at interaksyon sa pagitan ng mga bansa, tulad ng pagkakaroon ng pandaigdigang pamilihan, paglawak ng kalakalan ng trans-national corporations, pagdami ng foreign direct investments, paglago ng pandaigdigang transaksiyon sa pananalapi, pag-unlad ng mga makabagong pandaigdigang transportasyon at komunikasyon, at paglaganap ng makabagong teknolohiya. May limang aspeto din ang globalisasyon. Ito ay ang komunikasyon, paglalakbay, popular na kultura, ekonomiya, at pulitika. Ang mga nabanggit ay ang nagsisilbing pamamamaraan para lumago at mapalawig ang ekonomiya at kultura ng isang bansa.

        Ang gawaing ito ay nagdudulot ng iba’t ibang epekto para sa iba’t ibang bansa. Maaaring para sa iba ay sobrang laki ng naidudulot na pagbabago nito sa kanilang ekonomiya at sa iba naman ay kabaliktaran. Ito ang ilan sa mga positibong epekto ng Globalisasyon sa mga bansa. Una ay ang pag-unlad ng kalakalan sa pagitan ng mga bansa na dulot ng pagkakaroon ng pandaigdigang pamilihan. Sunod naman ay ang paglaganap ng teknolohiya at kaalaman sa transportasyon at komunikasyon, na siyang mas napapadali na ngayon sa tulong ng mga social media sites. At higit sa lahat, ito ay nagbunga ng patuloy na pagkakaisa ng mga bansa. Sa tulong ng pagkakaisang ito ay natutong ibahagi ng mga tao sa iba’t-ibang panig ng mundo ang kanilang kaalaman at sila ay naging maalam sa mga sakuna at isyu ng daigdig at tumulong. 

    Ngunit hindi naman laging maganda ang naidudulot nito sa mga bansa. Ilan sa mga negatibong epekto nito ay ang pagbaba ng capital ng mga lokal na industriya, pagtaas ng kahirapan ng bansa, pagdami ng taong walang trabaho, at pagbaba ng halaga ng sahod na dulot ng brain drain, sobrang pagtatangkilik ng mga tao sa mga imported na produkto ng mga foreign countries at pagppriyoridad ng mga kompanya sa mga banyaga na empleyado dahil sila ay nakapagtapos sa mas may kalidad na mga paaralan sa labas ng bansa. Dagdag pa dito ay ang pagtaas ng dependency rate dahil sa umaasa na lamang ang isang bansa sa mga naitutulong sa kanya ng iba pa. Sa ibang panig naman, nakakasama din ang sobrang pakikisama sa ibang bansa dahil ito mismo ang magpapasama ng estado ng sariling bansa, tulad na lamang ng pagdadalawang-isip sa travel ban noong mga panahong nagsisimula pa lang ang pagkalat ng virus, dahil isinaalang alang ang relasyon sa ibang bansa. At hindi na nga rin nalalayo dito ang pagkakaroon ng suliraning panlabas.

    Para mapagpatuloy at mas lalo pang mapaunlad ang globalisasyon, dapat ang mga tao ay laging magkaisa. Ngunit iyan ay imposible, kaya ang dapat nating pagtibayin ay ang ating pagiging makatao at ang pagiging maunawain, subalit hindi sa paraan na maabuso na ang karapatan ng isang tao sa pag-unawa sa kapwa. Ang pagtatayo/pagbubuo ng mga batas na maaaring magsilbing limitasyon ay higit na makakatulong sa pagtatag ng kilos na ito. Sa loob naman ng bansa, Ilan sa mga ipinatupad na programa at patakaran ng pamahalaan para sa globalisasyon ay ang pagtutulungan ng pribadong at pampublikong sektor, pagbuo at pagpapanatili ng maayos na ugnayan sa ibang bansa, pagpapatupad ng proyekto para sa ikauunlad ng agrikultura, turismo, at industriya, paglalaan ng malaking kapital para sa pagpapaunlad ng bansa, paggawa ng mga produkto na maymataas na kalidad, at marami pang iba na siguradong makakatulong upang mapataas at mapalakas ang ekonomiya ng bansa at mapagbuti ang relasyon sa ibang bansa.

    Sa kalahatan, ang globalisasyon na ito ay malaki ang naitutulong, lalo na sa mga bansang hindi pa gaano katayog ang estado. Ito ay maaaring magdulot ng mas maraming benepisyo sa hinaharap na hindi pa natin natatanaw ngayon kaya ang pagkakaisa para ito ay mapagbuti ay isang mahalagang salik na makatutulong sa atin balang araw.


P. Joshielle

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mga Kontemporaryong Isyu sa Pilipinas