Political Dynasty sa Pilipinas

   Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat, laganap ang political dynasty sa Pilipinas. Ang mga angkan tulad ng kina Cayetano, Duterte, Ynares, Eusebio at Estrada ay ilan lamang sa mga pamilya na may malaking pagkakasangkot sa politika dito sa Pilipinas. May ilan na nagagalit sa sistemang ito, meron din namang natutuwa.
   Una sa lahat, ito ang ilan sa mga positibong epekto na mapapala ng gobyerno at ng tao sa isang political dynasty. Ang pagpapatuloy ng paggawa ng mga proyekto sa kanilang lugar. Dahil maalis man sa pwesto ang kasalukuyang namumuno, kung ang papalit naman ay ang kanyang anak, hindi malabong ipagpatuloy nito ang pagpapagawa ng proyekto ng kaniyang magulang. Pangalawa ay ang pagkakaisa at pagkakasundo ng mga namamahala. Kung siya ang pinuno at ang asawa naman niya ang bise, mas maayos na komunikasyon at koneksyon ang mabubuo sa kanila bilang lider ng lugar. Ikatlo, maayos na kooperasyon sa pagitan ng pamahalaan at ng mamamayan. Kung ang isang tao ay napanatiling malinis at maganda ang kanyang termino, siya o kung sino mang kamag-anak niya na tatakbo ay madaling pagkakatiwalaan ng sambayanan. At ang tiwalang ito, kung kanilang iingatan, ay maaaring magdulot ng mas maayos na kooperasyon sa isang lugar. At ang huli, hindi na sila bago dito. Madali na nilang mapapatakbo ang isang lugar dahil gamay na nila ang gawaing ito o di kaya naman ay dahil sila ay lumaki na nakapaligid samga politiko.
   Sa kabilang banda, paano kung ang pamilyang nakaupo naman sa pwesto ay kurap at magulo ang patakbo sa lugar, ano pa nga ba ang ating aasahan? Isa sa mga negatibong epekto ay ang pansamantalang tulong. Tuwing may kalamidad, mas pinipili nilang ibuhos ang pera sa mga donasyon kaysa hatiin ito, ilaan sa mga nasalanta ang karamihan ng porsyento, at ang natitira naman ay ipunin para magamit sa ikaaayos ng lugar para maiiwasan ang pagbaha at mapatibay ang mga kailangan ipaayos. Sunod naman, paano kung ang mga magkakamag-anak na nasa pwesto ay nagtutulungan, nagtutulungang itago ang kalokohang kanilang ginagawa? Ito din ang dahilan kaya hindi maganda na iisang partido lamang ang naihihirang sa pwesto, walang magbabalak na magsumbong sa mas nakakataas pa dahil lahat naman sila ay nakikinabang. Pagkatapos naman ay ang pagkahati ng taumbayan. Sa isang lugar, minsan lamang mangyari na ang taumbayan ay iisa ang taong gustng mamuno. Kadalasan kasi, sila ay nahahati sa pagsuporta ng kandidato na kanilang nais manalo. At kung hindi nila gusto ang nanalo, ang madalas na nangyayari ay pagsisiraan ng imahe ng magkabilang panig at kakulangan sa pakikisama, imbis na magtulungan na maitaguyod ang kanilang lugar. Dagdag pa dito, kung pare-parehong pamilya din ang pinanggalingan, o kung hindi naman ay mga artista na napiling subukan ang politika, ang mga nakaupo sa pwesto, nawawalan ng mga kumakatawan sa mga taong hindi gaanong napapansin sa komunidad. Ang mga taong nagtatangol at ipinaglalaban ang kanilang karapatan sa kongreso ay unti-unting nauubos.
   Sari-sari ang naidudulot ng ganitong sistema. May magaganda, meron ding hindi. Sa aking palagay, hindi naman political dynasty ang nagpapasama sa sistema ng ating pamahalaan, kundi ang mga taong umuupo sa pwesto na hindi tapat at malinis ang intensyon sa kapangyarihang ibinigay sa kaniya.


P. Joshielle

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Mga Kontemporaryong Isyu sa Pilipinas