Diskriminasyon: Ang Aking Karanasan
Noong ako ay nag-aaral sa elementarya, masasabing isa ako sa mga nangunguna sa klase. Lumalaban sa mga paligsahan sa labas ng paaralan at may matataas na grado. Sinasabi ng ilan kong mga kaklase sa akin na ako ay ‘masyadong seryoso’, ‘puro aral’, ‘tahimik’, ‘kj’. Noong una ay hindi ko pinansin, hindi naman ako malapit sa kanila eh, ano namang pakialam ko. Hanggang sa isang araw, nagkaayaan ang aking mga kaibigan na pumunta sa bahay ng kaklase ko. Inaya ako, at kapag nagsabi ako sa magulang ko, alam kong papayagan nila ako. Subalit hindi ako sumama. Naiintindihan ito ng mga kaibigan ko. Hindi naman nila ako pinilit, inasar, o ginuilt trip, pero dito, napaisip ako, talaga bang hindi ako marunong magsaya?
Sinubukan ko. Sinubukan kong sumama sa mga lakad at sinubukan kong hindi masyadong seryosohin ang pag-aaral ko. Ako ay nagpadala saglit sa agos nila dahil hindi din katagalan, naisip ko, maaaring masaya nga iyon ngunit hindi iyon ang pagkatao ko. Hindi iyon ang hilig kong gawin. Naisip ko din na, mali yung iba kong kaklase, marunong akong magsaya. Ako ay masaya sa pagbabasa at panonood, sa pakikipag-usap at pakikipaglaro sa mga malalapit kong kaibigan, at sa pagsama sa aking pamilya at mga pinsan. Hindi ko kailangan na piliting baguhin ang aking sarili para sa kahit na sino, lalo na kung wala namang masama sa aking ginagawa.
Sa kung sino man na nakaranas din nito, o kahit anong uri pa ng diskriminasyon, natural lang na tayo ay malungkot o magalit ngunit dapat nating siguraduhin na hindi tayo magpapakontrol dito. Wala ding magagawa kung tayo ay gaganti o papatol sa kanila. Kung sa una ay hindi pa din sila titigil, huwag ng pag-aksayahan ng oras at huwag na lang pansinin kung hindi naman nakaapekto sa iyong payapang buhay. Sa kabila nito, dapat alam din natin ang ating limitasyon. Kung ikaw ay naaapi, sinasaktan, inaalisan ng karapatan, huwag ka ng matakot na sila ay isumbong sa mas nakakataas na may maaaring magawa tungkol dito. Matapos ang lahat ng ito, ang naging karanasan na ito ay huwag sanang maging dahilan para gumuho ang iyong buhay. Wala kang kasalanan at walang mali sa iyo. Hindi ikaw ang problema kaya huwag kang matakot na maging ikaw. Gamitin na lamang natin itong inspirasyon upang lalong mapagbuti ang ating buhay.
Para naman sa lahat, sana ay tayo ay maging maingat sa ating mga binibitawang salita at ipinapakitang pakikitungo, dahil baka hindi lang natin namamalayan, tayo ay nakakasakit na din ng damdamin ng iba.
P. Joshielle
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento